Friday, February 22, 2008

Anumalya sa Roxas Boulevard

Tuwing Martes ng gabi, pumupunta kami ng pamilya ko sa simbahan ng Baclaran. Doon kami nananalangin, nagpapasalamat, at nanghihingi ng saklolo sa Patron ng simabahan. Doon ako nananahimik, nakikipag-usap kay Lord, nakikipag-harutan sa hindi makitang anghel, at doon ko binubuo ang mga plano kong sakupin ang kalawakan.

Doon ako nagdadasal para sa mga pangarap ko, pangarap namin ng nanay ko, at pangarap ng lahat ng mga taong malapit sa buhay ko. Doon ako nagdadasal para sa mga taong nanghihingi ng panalangin. Doon ko pinapanalangin ang lahat ng taong nanghihingi ng tulong - mga taong hindi ko pa kayang tulungan sa ngayon.

Doon ko isinusumpang ang buhay ko ay naka-laan lang para gampanan ko ang tungkulin ko bilang anak ng Panginoon. Doon ko pinapangako ang sarili ko sa Kanya, at sa mismong krus na iyon ko pinapako ang lahat ng mga saloobin ko.

Nakakaburat namang isipin na kagagaling ko palang ng simbahan, ay may anumalya akong makikitang magpapakulo ng dugo ko.

Nang pauwi na kami, nakita ko sa kalsada ang isang palaboy-laboy na pulubi. Malnoris, marungis, at mukhang katotoma pa lang ng rugby. Parang nahagip siya ng malakas na ipuipo kasi sabog yung buhog niya't parang basahan nalang ang suot niya. Warak sa balikat, at may mahabang punit sa harap. Wala siyang tsinelas.

Nakaka-awa, diba?

Hinde.

Nakakapikon. Kasi may karga siyang sanggol na malamang ay wala pang dalawang buwang nabubuhay sa mundo. Sa itsura pa lang ng sanggol, mukhang hindi na tatagal pa ng dalawang buwan. Nakabalot lang sa manipis na kumot yung sanggol, at nakahalundusay ito sa balikat ng batang pulubi, habang kumakatok siya sa bawat bintana ng mga kotse.

Patawarin ako nawa, pero gusto kong sampalin ang bata, at nakawin ang kawawang sanggol. Nagalit ako sa bata, sa sindikatong may hawak sa kanila, sa pulis na pinapanood lng ang anumalyang nagaganap. Kawawa ang sanggol.

Sa loob-loob ko, 'Oh my pwet, what the f*ck. Shet na malagket. P*nyetang bata yan. Papatayin yata niya yung sanggol.

Parang armalite ang paglabas ng mga salitang inaapoy sa init. Parang gusto kong manakit ng tao, gusto kong iligtas ang naninigas na sanggol. Bukas-makalawa, patay na siya. Paano nila nasisikmura ang ganyang sitwasyon? Paano nila nakakayanang makita ang mga batang 'yon na palaboy-laboy sa kalsada, itataya ang buhay ng mas mahina sa kanila para lang sundutin ang mga puso ng mga taong 'may pera'.

Hindi ko alam kung kanino ako magagalit. Basta, galit ako. Galit ako sa bata. Galit ako sa mga pulis. Galit ako sa mga magulang ng mga bata. Galit ako sa pangyayari.

Pero sa huli, nauwi sa sarili ang galit dahil wala din akong nagawa.