Continuation ng balahurang entry kay Tokne, sinimulan kaninang 2349 ng gabi...
May kwento dapat eh. Yung bang tipong 'nagsimula ang lahat noong...' chorva. Yung bang, may 'narrative' pa. May plot, may suspense, may dramatics, may kung anu-ano pang katarantaduhan na pwede kong isipin, para lang maging kwento yung gusto kong isulat. Kaya lang, naisip ko, pag inartehan ko na agad, malamang yan, malilimutan ko ang gusto kong sabihin. Kaya tingin ko, mabuti nang isulat ko muna lahat, bago ko lagyan ng palamuti. Tsaka na yun.
Sige. Ganito.
Tanungin mo ko kung ano ang pinaka-kinatatakutan kong bagay sa mundo.
Greatest fear, kung baga.
Yung tipong, bayaran ka man ng milyon-milyong dolyar, ay hindi mo pa rin to kayang sikmurain. Non-negotiable. No deal. Kahit magkano pa. Basta, hindi mo haharapin o tatanggapin ang 'fear' na ito. Tipong, kahit sumali ako sa 'Fear Factor', uuwi ako ng luhaan, duguan, at talunan, kasi hindi ko ito kayang harapin.
Ipis ba? Oo, takot ako sa ipis. Pag nakakita ako ng ipis, naninigas ang buong katawan ko, tapos hihinto ako sa kung saan man ako nandodoon. Titigil ko ang lahat ng aktibidades ko, at wala akong gagawin kundi titigan ang bawat galaw, bawat hakbang, at bawat paghinga ng nasasabing ipis. Kapag naramdaman ko na papalipad na ito, tsaka ako titili ng malakas na malakas na 'RUN FOR COVER!' sabay takbo para magtago.
Pero hindi ipis ang pinaka-kinatatakutan ko. Pwede ko pang harapin ang mga lintek na ipis na yan, basta may kapalit na malaking halaga.
Multo ba? Aswang? Maligno? Masasamang pangitain? Nakakatakot sila, pero hindi ako masyadong nagpapa-apekto sa mga yun. Takot ba ko matataas na lugar? Sa tubig? Sa bagyo? Sa ulan? Hinde.
Sa totoo lang, tingin ko wala akong masyadong kinatatakutan, eh (pwera nalang sa lumilipad na ipis). Tarantahin ako, pero hindi ako takutin. Minsan lang, habang patulog na ako, inisip ko talaga kung ano ba talaga yung bagay na kinatatakutan ko. Yung bagay na kailangan kong harapin ng buong tapang, yung bagay na dapat kong malampasan.
Bigla kong naisip yung mga pangarap ko na dahan-dahan kong pininta sa pisngi ng langit. Mga munting pangarap na isa-isa kong binulong sa palad, at initsa pataas para masalo ng mga tala. Inisip ko ang lahat ng gusto kong magawa, lahat ng gusto kong marating, at lahat ng gusto kong mangyari.
Ang pinaka-paborito kong pangarap ay yung makabahagi ako sa mga tao ng kahit konting kaligayahan, habang binabasa nila yung mga isusulat ko. Gusto kong makipag-usap sa mga tao gamit ang mga salitang ibubuhos ko sa papel. Gusto kong magtagpo ang puso ko, at ang puso ng mga mambababasa ko, kahit isang saglit lang. Gusto kong magtagpo ang palad ko, at ang palad ng mambabasa ko, kahit isang saglit lang. Gusto ko sanang tanggapin ng mga tao ang bawat salitang ibubuhos ng puso ko. Na sa bawat paglipat nila ng pahina ng libro ko, lalo silang napapamahal sa mga mundo, tao, at pangyayaring nilikha ko.
Hindi ba napakasarap isipin, na sa mga sandaling binabasa ng isang tao ang sinulat mo, ang puso mo at ang puso niya ay nagkakatagpo, nagkakaintindihan, at nagkakaunawaan? Para na rin akong nakipag-kwentuhan sa isang kaibigan, kahit hindi ko man siya nakikita.
Hindi man ako maging sikat na manunulat, nagkaroon naman ako ng mga bagong kaibigan. Makapag-pasaya lang ako ng ibang tao, masaya na ako. Ang pinakamagandang gantimpalang makakamit ko ay yung mga ngiti ng tao, at mga maiiikling salitang nagsasabing, 'Napasaya mo ako nung binasa ko yung ginawa mo. Hindi kita makakalimutan.'
Ang dami kong gustong gawin. Ang dami kong gustong puntahan. Naisip ko tuloy, kulang ang buhay ko para gawin ko lahat ng mga ito.
Habang nagmu-muni ako tungkol sa mga pangarap ko, bigla akong napaisip tungkol sa kamatayan. Lahat ng tao, parang mga utot lang eh. Ilalabas, tapos maghahasik ng lagim, tapos maya-maya, wala na. Nilamon na ulit ng hangin na minsa'y minarkahan niya ng kanyang pagka-tao. Este- pagka-utot.
Ipapanganak ka, mabubuhay ka, makikisalamuha ka sa ibang tao, gagawa ka ng ilan-ilang bagay na magpapaligaya'y magbibigay-pasakit sa ibang tao, tapos tatanda ka, tapos mamamatay ka. Tapos, makalipas ng ilang taon, makakalimutan ka na.
Alam mo kung bakit? Kasi, hindi tumitigil ang buhay, kahit para kanino pa man. Hindi titigil ang pag-ikot ng mundo ng dahil lang sa pagkamatay ng isang tao. Hindi titigil ang pagsikat ng araw tuwing umaga, hindi titigil ang pag-ikot ng tubig mula lupa hanggang langit, pabalik sa lupa, ng dahil lang sa isang taong namatay.
Hindi mo ba naiintindihan?
Isa ka lang sa bilyon-bilyong butil ng buhangin na inilagay ng Diyos sa dalampasigan. Isa ka lang sa bilyong tala na isinaboy ng Diyos sa kalawakan. Paano ka mapapansin, kung ang katabi mong buhangin e walang pinagkaiba sa iyo? Paano ka magniningning, kung ang katabi mong bituin, overchika sa pag-shine?
Magningning ka man, tiyak kong dadating ang panahon na hihina din ang kislap mo, at magiging isa ka nalang sa mga malalamig na tala na nakakalat sa langit.
Mabuhay ka man ngayon, bukas, malamang sa hindi, kakalimutan ka na. Kahit anak ng apo mo, hindi ka na matatandaan.
'Huh? Sinong Lola Karren? Mama ni Lola *insert name of future grand-child*? Hindi ko na po kilala yun. Matagal nang patay yun eh.'
My gosh.
Pwera na lang kung super sikat kang tao, na maraming ginawang kabulastugan o kabutihan na hindi malilimutan ng sangkatauhan.
Lit major ako. Graduate ng Cum Laude sa UST. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin maintindihan ang lenggwahe ni Shakespeare. Pag binabasa ko ang mga libro niya, pakiramdam ko, ang bobo-bobo ko, kasi higit isang oras ko binasa ang Act 2 Scene 2 ng Romeo and Juliet bago ko ito naintindihan. Pero sikat pa rin siya, kahit inagnas na ang katawan niya sa ilalim ng lupa. Di ba?
Si Elvis Presley. Malay ko ba kung ano kinanta niya. Pero pati sa karindirya, makikita mong naka-paskil ang mukha niya. Malay ko ba kung anong kaugnayan ni Presley sa mainit at bagong lutong pork giniling with patatas ang carrots.
Sabi nila, patuloy ang buhay, kahit iwanan ka man ng taong mahal mo.
Pero ang hindi binabanggit ng mga tao, na sa bawat paglipas ng panahon na pinagpapatulay ang pagdaloy ng buhay, ay unti-unti na ring nababaon ang alaala mo sa limot. Oo, dadalhin ng mga taong naiwan mo ang alaala mo sa mga puso nila. Pero pano pag namatay na rin sila? Sino pa ang magdadala ng alaala mo? Sino ang magdadala ng mga alaala nila?
Paubos ng paubos ang mga taong magdadala ng alaala mo, dahil sila rin, may mga kanya-kanyang alaalang gusto nilang dalhin habang buhay pa sila.
Mawawalan ka ng puwang sa mundong iniwan mo.
Malaman, may bagong puwang ka sa kabilang buhay, pero ang mundo... iikot pa rin, kahit malimutan ka na.
Bigla akong nakaramdam ng matiding takot. Parang nanlamig yung buo kong katawan, tapos nag-palpitate yung puso ko. Para bang tumakbo ako ng singko sa treadmill ng wala man lang warm up. Dugundong yung pintig ng puso ko, tapos naramdaman kong nanlamig yung dugo ko sa buong katawan ko.
Paano na kung bukas mamatay na ko? Ni hindi man lang ako nakapagsulat, ni isang tula man lang. Wala pa akong natatapos; ni sinkong utot na talata, wala pa akong nabubuo. Paano na mangyayari yung 'pagtatagpo ng puso ko at puso ng mamababasa' chorva na pinapangarap ko? Parang sinilyaban yung pwet ko, tapos parang tinusok ng isang libong karayom yung puso ko. Tapos, yung kaisipan lang na, mamamatay ako ng walang maiiwan sa mundo, naging sapat para itulak ako papunta sa kompyuter ko para magsulat ng kahit na ano, as in NOW NA.
Pero siyempre, dahil magaling ako, wala akong naisulat na matino. Hehe.
Dun ko nalaman kung ano ang pinakamatinding takot ko.
Ayokong mamatay ng walang naiiwan na kahit na ano dito sa mundo. Ayokong dumating ang panahon, na ni pangalan ko ay hindi na matatandaan ng mga tao. Ayos lang sa akin na kalimutan ako. Naiintidihan kong mas maganda ang buhay na naghihintay para sa lahat ng tao pang yumao na sila. Pero ang gusto ko sana, bago mabaon sa limot ang alaala ko, ay makaiwan man lang ako ng kahit konting magagandang bagay sa mundo.
Tawa. Luha. Aral. Kaisipan. Ngiti. Simangot.
Gusto ko, bago ako tuluyang kalimutan ng mga tao, eh may kahit isang henerasyon ng mga tao na dadalhin sa kani-kanilang mga puso't buhay ang mga bagay na sinulat ko.
Masyadong kampanti ako sa buhay ko. Lagi kong sinasabi, 'may bukas pa, may bukas pa. Wag na muna kong magsulat ngayon, kasi may bukas pa.' Pero sa kaka-bukas ko, hindi ko napansin, na yung 'bukas', nagiging 'kahapon' din. At kapag iniisip ko kung anong ginawa ko 'kahapon', nalulungkot ako kasi inaksaya ko ang isang araw na dapat sana, may ginawa ako para sa katuparan ng mga pangarap ko.
Yung 'bukas' na sinasabi natin, yun yung 'ngayon'. At kung may gusto akong gawin, dapat simulan ko 'ngayon', para kung magtagpu-tagpo ang 'kahapon', 'ngayon', at 'bukas', ang mabubuong imahe ay hindi imahe ng pagsisisi at kabiguan, kundi ang imahe ng tagumpay at katuparan ng pangarap.
Kaya ito, pagkatapos ng ilang 'bukas na', sa wakas, umupo din ako sa tapat ng computer para isulat ito. HIndi man ito umabot sa palimbagan, at least, naisulat ko ito, at malamang, maipabasa din sa iba.