Monday, June 15, 2009

Ang Pasaway na Baseball Player

June 15, 2009
2247 H

Ang Pasaway na Baseball Player

Inabot ako ng mga thirty minutes kung saang lenggwahe ko ito isusulat. Naisip ko kasi sobrang effort pag English, kaya barubalan nalang ng bonggang bongga. Effort pa mag-Ingles, hindi din bagay sa mood ko, kaya eto nalang. Barubalan to the maximum level.

Pero bago ako magsimula, gusto ko lang magreklamo dahil ang tabang ng Lucky Me Supreme La Paz Bachoy ko. Bakit ang daming nilagay na tubig ni Jane? Hindi ko ma-feel ang pagmamahal! Hindi ko ma-feel ang Bachoy!

Yun lang.

Tatlong taon na ko sa trabaho ko, pero hanggang ngayon, ni kalahati ng puso ko hindi ko pa maibigay sa trabaho ko. Malaki-laki din responsibilidad ko. Kung hindi ako kikilos, humigit kumulang sikwentang pamilyadong tao ang magugutom. Yan ang unang unang lesson na binigay sa akin ng mama ko. Na ang kompanya namin, hindi lang itinayo para sa amin. Para din yan sa mga taong umaasa sa trabahong binibigay namin sa kanila. Para din yan sa mga pamilya nila. O diba, san ka pa.

Naiintindihan ko naman yun eh. Ang hindi ko maintindihan yung gwakananginang ugali ko. Simula pagkabata ko, pinipili ko talaga yung mga bagay na gagalingan ko. Sa trabahong bahay palang eh. Alam mo yung ugali ng mga inutil na bata na pagnagwawalis, imbis na salukin yung dumi, itatago nalang sa ilalim ng carpet o kaya sa ilalim ng sofa? Ako yun. Tapos yung kwarto ko laging parang dinadaanan ng delubyo. Magulo, daig pa kwarto ng lalaki. Sa isang sulok nakatambak yung daan-daang libro. Tapos sa isang sulok yung mesa ko na hindi mo maintindihan kung work area ba ng inhinyero o ng writer o ng computer programmer o ng rakista. Tapos may gitara pa sa likod ng pinto na ilang taon nang hindi natotono't nagagalaw. May tv ako sa kwarto, pero pag pinahid mo kamay mo, itim agad daliri mo sa kapal ng alikabok. Kalat-kalat din yung mga CD ko tsaka DVD, tsaka yung mga gadgets na hindi mo alam kung para saan ba. Sinukuan nalang ako ng nanay ko eh.

(Ang tabang talaga ng sabaw, pocha.)

Sa school din. Tingnan nalang ang grades eh. Alam niyo bang pumasa lang ako sa Chemistry dahil 'mabait' daw ako? Ganito yun eh.

Karren (siryoso, repentant, mabait): Madam, gusto ko lang po malaman kung makakapasa ako sa Chem? Lagot po ako sa nanay ko pag bumagsak ako. Tapos kailangan ko din po pumasa kasi maga-apply po sana ako bilang officer.

Madam (sabay akbay): Ok lang yun, Karren. Mabait ka naman eh.

Karren (tameme, natanga ng ilang seconds): Ha? (Sabay bawi) Ay. Tenkyu po, Madam.

Nung college din. Mga gen subjects, binalasubas ko lang. Pero pag gusto ko, malamang kung may grade pang mas tataas sa uno, yun na grade ko.

Pagdating sa mga bagay na gusto ko, todo effort binibigay ko. Kung kaya ko lang ibigay ang buong puso't kaluluwa ko, ibibigay ko. Thesis, college, pagiging presidente ng Lit... lahat yan, pinagtuunan ko ng pansin. Pero pag ayaw ko, kahit magmakaawa ka sa akin, tingnan ko lang kung gawin ko ng matino yan.

Dumating sa punto na inisip ko, kung wala ang pagsusulat ko, wala na si Karren. Pagsusulat ko nalang yung nagdikta ng pagkatao ko. Pag inalis mo sa akin yun, malamang sa basurahan nalang ako dadamputin ng Pilipinas. Dumating sa punto na ito nalang yung pinanghahawakan ko, at ito nalang yung gusto kong gawin bawat sandali ng bawat araw. Pagsusulat at pagbabasa. Panitikan. Literature. Wala nang iba.

Tapos ito. Bigla akong itatapon ng tadhana sa kompanya ng nanay ko.

Parang ganito yan eh.

Para akong MVP volleyball player na biglang ninenok sa court ng mga aliens, tapos biglang dinispatcha sa baseball field. Binigyan ng baseball bat, tinapik sa likod, tapos iniwan nalang basta basta. Ibang mundo, ibang laro. Ibang rules, ibang mechanics. Parang... heller. Anong gagawin ko dito?

Ano nga ba ang gagawin? Magmaktol at hanapin ulet ang volleyball court, o alamin ang laro ng baseball para matuto kang makipagsabayan?

Sinubukan ko naman alamin yung baseball eh. Marunong na ko, kahit konti. Kala ko ok na yun. Hindi pala sapat yung alam mo yung rules. Kulang pala yun, kasi yung puso ko, gusto pa ring maglaro ng volleyball. Yun yung pakiramdam ko ngayon. Habang hawak-hawak ko yung baseball bat, habang tumatakbo ako sa field, nandun yung puso at isipan ko sa volleyball court.

Puro tuloy ako penalty dito. Puro time-out. Puro nalang kapalpakan. Lalo ko tuloy hinahanap yung sarili kong court, kung saan ako naghahari. Dun sana ako, kung saan yung bawat spike, bawat block, bawat serve, tumatatak sa utak at puso ng manonood. Dun ako kung saan lahat ng coach mahal ako. Dun ako kung saan kahit nagkamali ako, alam kong ayos lang kasi alam ko naman kung pano bumawi. Nami-miss ko na talaga yung volleyball court.

Kahit sabihin pa nating pinapayagan ako ng baseball coach kong magvolleyball paminsan-minsan, iba pa rin eh. Wala ako sa court. Naiintindihan niyo ba yun?

Ha? Hindi? Ah ok lang. Ako din hindi ko maintindihan eh. Lam niyo kung bakit? Kasi hindi ko din maintindihan kung bakit biglang umalat na yung sabaw nung Batchoy. Siguro kasi hindi ko hinalo kanina.

Nasan na ba ko?

Ah.

Dun.

Medyo masama araw ko kanina. Parang lahat yata ng kakulangan ko sa opisina hinahanting ako, kaya sunod-sunod ang sermon mula sa iba't ibang tao. Umiinit na din ulo ko kasi hindi pa umiinit pwet ko sa upuan ko, may tatawag na naman sa pangalan ko. Umiinit na nga ulo ko sa mga sermon, umiinit pa ulo ko sa sarili kong kapalpakan. Kung di lang dahil sa Vitamin B, malamang marami na kong pinatulan at sinungitan. Effective, pare. Hindi matuloy tuloy ang pageemote ko ng bonggang bongga.

Kanina, siguro pang forty-seven million times na kong nasermonan ng nanay ko. Bawat araw may sinasabi yan, bawat oras may hinahanap. Hindi ko din sya masisisi eh. Hindi naman tyrant ang nanay ko. Sa katunayan, wala na kong makitang mas mabait pang boss dyan. Marami akong naririnig na kwento. Iba ang nanay ko. Mas mabagsik pa ko dyan eh. Ang nanay ko, mahal ang trabaho niya, at mahal ang mga tao niya. Pag nakikita ko siyang subsob sa trabaho, nahihiya nalang ako kasi hindi ko masuklian yung dedication niya eh. Hindi lang kaming magkakapatid ang pinapakain niya. Hindi lang kami ang pamilyang binubuhay niya. Pero kaya niya. O san ka pa?

Bakit hindi ko siya masuklian, kahit konti?

Sabi niya kanina, bakit pag propesor ko ang humiling, kulang nalang lagyan ko ng ribbon yung folder ng papel para lang sumaya sila. Bakit pag siya humiling mga pitumpu't pitong mura muna ang aabutin bago ko magawa yung pinapagawa niya?

May mali talaga sa akin eh.

Yun yung susubukan kong ayusin ngayon. Unti-unti. Dalawampu't tatlong taon ng masamang paguugali, susubukan kong baguhin. Ang excellence daw, sabi ng nanay ko, walang pinipili. Naiintindihan ko yun. Susubukan kong gawin ng maayos hindi lang yung mga bagay na gusto kong gawin, kundi pati na din yung mga bagay na kailangan kong gawin. Mahirap yun, kasi habit ang titibagin eh. Parang complete 180 ang ikot ng mundo nyan. Syet, ibig sabihin din nun magiisip na ko. Ayoko pa man ding gumamit ng utak, kasi masakit sa ulo. Di bale na. May bukas pa.

Dito muna ko sa baseball field. Aayusin ko muna yung laro ko dito, bago ako bumalik sa volleyball court ko. At least, kahit umalis ako dito, alam kong kahit minsan eh nakapag-MVP din ako dito. Alam kong madami akong natulungan, at napabuti ko pa yung sarili ko. Self-improvement nalang eh.

Nandyan lang ang volleyball court. Malamang pagbalik ko iba na yung players, pero tingin ko, pag mahal mo yung ginagawa mo, kahit ilang taon kang hindi naglaro, babalik at babalik pa rin sa iyo yung pulso mo sa laro.

At titigil na din ako kasi malamig na yung sabaw ko.

Saturday, June 13, 2009

Hango sa Edited Conversation ng Superstar at Superhero

Superstar: Eto na ang pagbabalik! Ako ang magre-represent ng mga taong nagaabang sa'yo. Wag mo kaming biguin.
Superhero: TAE. Wala namang naghahanap sa akin, kelangan ba akong madaliin.
Superstar: E wala ka rin namang hinihintay eh. Kailangan mo bang tumigil?
Superhero: Ah syet.

WAPAK. BASAG. Walang masabi ang Superhero. Nilampaso ng Superstar.

Siguro mga tatlo't kalahating segundo nakatingin ang Superhero- na ngayon ay babansagan kong SH dahil mahaba masyado ang Superhero- sa IM bago nakasagot. At matapos ang paguusap ni SH at ni SS (Superstar), mga tatlumpung minuto pang pinaulit-ulit ni SH ang pagbabasa ng mga linyang nakatala sa taas.

/E wala ka rin namang hinihintay. Kailangan mo bang tumigil?/

Bakit nga ba tumigil si SH? Ano ang hinihintay niya? Sino ang hinihintay niya? Malamang ang isasagot ng inutil na SH ay, 'mga salita', kasi hindi siya pinupuntahan. Pero lumang palusot na yan eh. Alam naman niyang hindi salita ang pupunta sa kanya, kasi siya ang may kapangyarihang gumamit ng salita. Kahit gaano katiting lang yang kapangyarihan na yan, kapangyarihan pa rin yan.

Bakit nga ba tumigil si SH? Siguro kasi naadik sa pagbabasa, at masyadong nabighani sa salita ng iba. Naudlot tuloy yung mga sarili niyang salita, kasi parang... bakit pa siya magsasalita, kung ang daming tao na ang nagsasalita ng mas maigi pa sa pagsasalita niya?

Siguro din kasi, nawalan ng sapat na lakas para maglaslas at magbukas ng sugat na matagal nang nahilom. Kasi naniniwala si SH na hindi makakapagsulat kung walang dugong dumadanak. Yung dugong yun yung magbabalik ng lahat ng alaala, lahat ng pasakit, lahat ng luha, lahat ng pighati. Yung dugong yun ang itatapon sa papel. Siguro tinamad si SH na magbuklat ng sugat at maghalungkat ng mga alaala. Nawalan ng gana si SH na mag-effort, kasi mahaba pa naman ang buhay niya eh. Bakit magmamadali?

Oo nga. Tama. Hindi dapat magmadali kasi pag nagmadali ng bonggang bongga, maaaring makalimutang namnamin ang bawat sandali.

Pero hindi din ibig sabihin nun na tumigil ng todo at magtamad-tamaran. Kasi nga naman, ang sabi ng matatalino, ang pangarap, mananatiling pangarap lang hangga't hindi ka gumigising. Dati gumising na si SH kaya lang tinamad ulet kaya natulog ulit. Ngayon, nagising na naman, kasi tinabla ng Superstar- este- ni SS.

/E wala ka rin namang hinihintay. Kailangan mo bang tumigil?/

Kelangan nga ba? Siguro, kailangan, kahit sandali. Kailangan tumigil para makapag-power up. Para makapag-nilaynilay. Para makipagligawan sa mga salita. Pero hindi yung tigil ng bonggang bongga. Dun ako magaling eh. Tamad ang Superhero.

Minsan pang sinabi ni SH sa bespren niyang Bochog na nawawala ngayong gabi, 'Sa Japan, buds. Dun magsisimula ang lahat. Pag punta ko dun, malamang makakahinga na ko ng maayos. Makakapagsulat na ko.'

Epal. Bakit kailangan pang hintayin pumunta sa Japan bago magsulat? Mga pakulo ng Superhero eh, may pagkatanga din. E kahit kalokohan lang isulat, basta pag ginanahan, magsulat.

/E wala ka rin namang hinihintay. Kailangan mo bang tumigil?/

Magic! Nawala ang magic! Nawalan ng gana! Nawala ang mga salita! Wapak! na palusot yan. E sintusinto ka pala eh. Kung walang magic bakit hindi ka gumawa ng sarili mong magic? Writer's Block ba? Taeng writers' block yan, abutin daw ba ng ilang taon.

Kung may block, bakit hindi tibagin.

(Kasi mahirap.)

Walang hirap hirap!

(Tae, mahirap talaga.)

Eh diba sabi mo Superhero ka!

(Oo nga. Superhero nga. Baliw na din kasi kinakausap ang sarili.)

Eto tuloy ang SH, nagsusulat ulit, para sa kinabukasan ng bayan- este- para sa pangarap. Bahala na si Batman. Basta ang usapan, kada alas diyes ng gabi, magsusulat. Parang 3-O'Clock habit lang eh. Eps. Mga banat talaga ni B o.

Siya, siya. Ayan na. Unang banat na to. Tutuloy-tuloy na, kahit hindi man lumabas dito, basta. Nagsusulat si SH tuwing 10:00 ng gabi. Kahit isang talata, isang pangungusap, isang parirala (galalim, syet!), basta may lalabas sa bolpen ni SH.

Hoki? Huki.

Pinapasabi nga pala ng Superhero sa Superstar, salamat. :D

Tuesday, February 24, 2009

Ang Magic Girls, Si Tomomi at si Manong Matanda

English kahapon, Tagalog ngayon.

Emo kahapon, retardation ngayon.

Naalala niyo ba nung high school tayo, may sumikat na anime na ang pamagat ay Magic Girls? Hindi ko na matandaan kung ano yung mga pangyayari, pero alam ko fanatic kami ni buddy (gie) ng anime na yun. Tungkol yun sa kambal na may magic powers, tapos kapag nag-pipinky-link sila (yung parang pinky swear), bigla silang magte-teleport sa kung saang lupalop ng Japan.

Si Tomomi yung maikli yung buhok na may bangs na (according to gie) laging nakajumper shorts. Sporty siya, medyo boyish, medyo magaslaw kumilos. In short, siya ang anime counter-part ko (nung high school ako, kasi ngayon hindi mo na ko mapapasali sa sport na magre-require ng strenous physical exertion). Si Mikage naman, mahaba ang buhok, pa-beauty, mabait, heartthrob, approachable... counterpart ni buddy. Nanay ko ang nagsabing kami daw yung Magic Girls. Makalipas ang maraming taon, nalimutan ko na yung tungkol dun.

Bigla nalang lumitaw yung alaala nung sabay kaming naglalamay ni buddy- gumagawa ako ng thesis at siya naman, night duty. Last Tuesday yun, February 17 (naks). Pareho na namin gustong bumigay, pero sabi niya, "Kaya natin to, Magic Girls tayo eh."

At ako naman si sintu-sinto, ang sagot, "Whatever, Mikage. -Tomomi."

Kinaya naman namin ang lamay. Nauna lang akong bumigay nung mga bandang alas tres ng madaling araw kasi pinalamon ako ng mama ko ng Whopper Jr. meal. Ayun. Parang patabaing baboy. Inantok sa pagkabusog.

Ayun. Wednesday, tinext ko si buddy para magpasamang bumili ng swiveling office chair, kasi pakingsyet, mahirap mag-aral to the next level kung ang upuan mo ay isang hamak na monoblock lang. Massacre sa likod. Not recommended.

Diretso kami sa SM pagkatapos ng trabaho, at dun ako nambarat ng nambarat, dahil leche, hindi ko kailangan ng presidential chair. Basta malambot, umiikot, gumugulong, at naa-adjust ang taas, solve na ko. At dahil wala sa basement ng Department Store, punta naman kami sa The Block, dahil may 'Our Home' dun, at apparently, mas mura daw dun ang office chair.

Oks na sana eh. Office chair lang ang pinunta namin dun. Pero leche, shet, at shit man to the 45th power, dahil napadaan kami sa PodWorx, at doon, nakita namin ang hele-helara ng tumataginting na iba't ibang version ng iPod. Makapanulo-laway, makalaglag-panty, at shet, mapang-akit to the next level. Pangarap naming magka-iPod ni buds, kaya naman minsan ay napadpad kami ng greenhills para tumingin ng second-hand iPod, na siya namang ikinatakot namin kasi meron bang iPod Classic na 120gigs na 8 kyaw lang?!

Kung meron man, sorry naman sa titinda, pero hindi mo kami masisisisi kung magdududa kami.

Balik sa PodWorx.

Pumasok kami sa tindahan, naglaway at nagingay ng konti, pero hindi kami bumili kahit na pakiramdam ko ay tinatawag na ko ng ATM card ko at sinasabi niyang, May laman ako! May laman ako!.

Parang lamparang lumiliyab ang iPod Classic na Oh so beautiful at ako naman ay isang haliparot na alitaptap na nagsusumamong makamit ang mapangahas na liwanag ng nasasabing lampara.

Lumabas muna kami ni buddy at bumili ng office chair (thank you Lord!), pero pagtapos nun, parang nag-gravitate ang mga paa namin papunta sa PodWorx, bigla nalang namin nakita ang mga sarili namin sa harap ng tindahan.

I swear, kung hindi kami pinagtatawanan ng mga tindera dun, malamang tingin nila sa amin mga undercover holdaper.

Para kaming mga tanga talaga. Bulungan kami ng bulungan, hanggang sa lumabas nalang kami ulet para magcontemplate habang kumakain. Hindi talaga kami mapakali, parang may kumikiliti sa pwet namin, tapos parang may demonyong bumubulong na bilin na namin yung iPod.

'Buddy... magna-nine na," sabi ni buddy nung nasa kalagitnaan kami ng pagkain.

Ako naman si let's take it slow, so slow, "O, e ano ngayon?"

"Yung iPod."

Shet. Wala nang isip-isip. Mabilis ang mga pangyayari. Binigay sa akin ni buddy yung ATM niya, kinuha ko yung akin, tapos ako na yung tumakbo sa ATM Machine para magwithraw ng salapi, kasi hindi namin pwedeng iwan yung pagkain dahil hindi pa kami tapos. Wala na kong masyadong ulirat. Natauhan nalang ako nung inaabot ko na yung bayad sa counter, tapos tinetesting nila yung libreng speaker na mukang sintu-sinto na teddy bear na walang mata.

Magic.

Meet Tomomi and Mikage. Ang kambal Magic iPod Classic. 120gigs. Shiny. Sleek. Black as sin.

Magic talaga, sabi ni buddy, kasi parang na-magic yung mga pera namin sa loob ng ilang minuto.

Tapos na sana ang kwento. Hindi ko alam kung tragedy ba o comedy. Depende kung kaninong perspective. Masaya naman ako, pramis, pero ang laking pera ang nawala sa loob ng ilang sandali, para sa isang luho. Oo naman, may karapatan akong bumili nun, kasi pinaghirapan ko naman yung pera. Pero kahit na. Parang... nakaka-shock pa rin. Tingin ko ganun din yung pakiramdam ni buddy kasi nakakailang araw na yung lumilipas, pero nagtetext pa rin siya na hindi pa rin siya maka-get over sa Magic Act na naganap.

Iniisip ko nalang na reward ko yun para sa ilang buwang pagta-trabaho. Iniisip ko nalang na pagta-trabahuan ko nalang ulet yung perang nawala sa akin, kasi... masaya naman ako kay Tomomi eh.

Pero may isang saglit lang na parang nahimasmasan ako sa mga pangyayari.

Nung isang linggo nasa jeep ako papunta sa kung saan man (nalimutan ko na). Kinakalikot ko yung playlist ko kay Tomomi (shet, ang yabang), tapos biglang may matandang mama na sumakay sa jeep.

Payatot; kasing payat ni Palito. Medyo madumi siya, tapos mas suot siyang baseball cap na mas matanda pa yata sa akin. Ang nipis na ng t-shirt niya, halos transparent na, tapos madaming butas yung pantalon. Madumi yung paa, parang ilang years nang naglalakad gamit yung tsinelas na malapit nang mapatid yung swelas. May maliit siyang balutan, niyayapos niya na tila ikamamatay niya ang pagkawala nito. Tapos kumuha siya ng baryang tigbe-bentsinko sa isang lumang di-zipper na coin purse, tapos pinaabot yung bayad niya.

Aray naman.

Aray lang.

Dito ko na tatapusin ang kwento.