Tuesday, February 24, 2009

Ang Magic Girls, Si Tomomi at si Manong Matanda

English kahapon, Tagalog ngayon.

Emo kahapon, retardation ngayon.

Naalala niyo ba nung high school tayo, may sumikat na anime na ang pamagat ay Magic Girls? Hindi ko na matandaan kung ano yung mga pangyayari, pero alam ko fanatic kami ni buddy (gie) ng anime na yun. Tungkol yun sa kambal na may magic powers, tapos kapag nag-pipinky-link sila (yung parang pinky swear), bigla silang magte-teleport sa kung saang lupalop ng Japan.

Si Tomomi yung maikli yung buhok na may bangs na (according to gie) laging nakajumper shorts. Sporty siya, medyo boyish, medyo magaslaw kumilos. In short, siya ang anime counter-part ko (nung high school ako, kasi ngayon hindi mo na ko mapapasali sa sport na magre-require ng strenous physical exertion). Si Mikage naman, mahaba ang buhok, pa-beauty, mabait, heartthrob, approachable... counterpart ni buddy. Nanay ko ang nagsabing kami daw yung Magic Girls. Makalipas ang maraming taon, nalimutan ko na yung tungkol dun.

Bigla nalang lumitaw yung alaala nung sabay kaming naglalamay ni buddy- gumagawa ako ng thesis at siya naman, night duty. Last Tuesday yun, February 17 (naks). Pareho na namin gustong bumigay, pero sabi niya, "Kaya natin to, Magic Girls tayo eh."

At ako naman si sintu-sinto, ang sagot, "Whatever, Mikage. -Tomomi."

Kinaya naman namin ang lamay. Nauna lang akong bumigay nung mga bandang alas tres ng madaling araw kasi pinalamon ako ng mama ko ng Whopper Jr. meal. Ayun. Parang patabaing baboy. Inantok sa pagkabusog.

Ayun. Wednesday, tinext ko si buddy para magpasamang bumili ng swiveling office chair, kasi pakingsyet, mahirap mag-aral to the next level kung ang upuan mo ay isang hamak na monoblock lang. Massacre sa likod. Not recommended.

Diretso kami sa SM pagkatapos ng trabaho, at dun ako nambarat ng nambarat, dahil leche, hindi ko kailangan ng presidential chair. Basta malambot, umiikot, gumugulong, at naa-adjust ang taas, solve na ko. At dahil wala sa basement ng Department Store, punta naman kami sa The Block, dahil may 'Our Home' dun, at apparently, mas mura daw dun ang office chair.

Oks na sana eh. Office chair lang ang pinunta namin dun. Pero leche, shet, at shit man to the 45th power, dahil napadaan kami sa PodWorx, at doon, nakita namin ang hele-helara ng tumataginting na iba't ibang version ng iPod. Makapanulo-laway, makalaglag-panty, at shet, mapang-akit to the next level. Pangarap naming magka-iPod ni buds, kaya naman minsan ay napadpad kami ng greenhills para tumingin ng second-hand iPod, na siya namang ikinatakot namin kasi meron bang iPod Classic na 120gigs na 8 kyaw lang?!

Kung meron man, sorry naman sa titinda, pero hindi mo kami masisisisi kung magdududa kami.

Balik sa PodWorx.

Pumasok kami sa tindahan, naglaway at nagingay ng konti, pero hindi kami bumili kahit na pakiramdam ko ay tinatawag na ko ng ATM card ko at sinasabi niyang, May laman ako! May laman ako!.

Parang lamparang lumiliyab ang iPod Classic na Oh so beautiful at ako naman ay isang haliparot na alitaptap na nagsusumamong makamit ang mapangahas na liwanag ng nasasabing lampara.

Lumabas muna kami ni buddy at bumili ng office chair (thank you Lord!), pero pagtapos nun, parang nag-gravitate ang mga paa namin papunta sa PodWorx, bigla nalang namin nakita ang mga sarili namin sa harap ng tindahan.

I swear, kung hindi kami pinagtatawanan ng mga tindera dun, malamang tingin nila sa amin mga undercover holdaper.

Para kaming mga tanga talaga. Bulungan kami ng bulungan, hanggang sa lumabas nalang kami ulet para magcontemplate habang kumakain. Hindi talaga kami mapakali, parang may kumikiliti sa pwet namin, tapos parang may demonyong bumubulong na bilin na namin yung iPod.

'Buddy... magna-nine na," sabi ni buddy nung nasa kalagitnaan kami ng pagkain.

Ako naman si let's take it slow, so slow, "O, e ano ngayon?"

"Yung iPod."

Shet. Wala nang isip-isip. Mabilis ang mga pangyayari. Binigay sa akin ni buddy yung ATM niya, kinuha ko yung akin, tapos ako na yung tumakbo sa ATM Machine para magwithraw ng salapi, kasi hindi namin pwedeng iwan yung pagkain dahil hindi pa kami tapos. Wala na kong masyadong ulirat. Natauhan nalang ako nung inaabot ko na yung bayad sa counter, tapos tinetesting nila yung libreng speaker na mukang sintu-sinto na teddy bear na walang mata.

Magic.

Meet Tomomi and Mikage. Ang kambal Magic iPod Classic. 120gigs. Shiny. Sleek. Black as sin.

Magic talaga, sabi ni buddy, kasi parang na-magic yung mga pera namin sa loob ng ilang minuto.

Tapos na sana ang kwento. Hindi ko alam kung tragedy ba o comedy. Depende kung kaninong perspective. Masaya naman ako, pramis, pero ang laking pera ang nawala sa loob ng ilang sandali, para sa isang luho. Oo naman, may karapatan akong bumili nun, kasi pinaghirapan ko naman yung pera. Pero kahit na. Parang... nakaka-shock pa rin. Tingin ko ganun din yung pakiramdam ni buddy kasi nakakailang araw na yung lumilipas, pero nagtetext pa rin siya na hindi pa rin siya maka-get over sa Magic Act na naganap.

Iniisip ko nalang na reward ko yun para sa ilang buwang pagta-trabaho. Iniisip ko nalang na pagta-trabahuan ko nalang ulet yung perang nawala sa akin, kasi... masaya naman ako kay Tomomi eh.

Pero may isang saglit lang na parang nahimasmasan ako sa mga pangyayari.

Nung isang linggo nasa jeep ako papunta sa kung saan man (nalimutan ko na). Kinakalikot ko yung playlist ko kay Tomomi (shet, ang yabang), tapos biglang may matandang mama na sumakay sa jeep.

Payatot; kasing payat ni Palito. Medyo madumi siya, tapos mas suot siyang baseball cap na mas matanda pa yata sa akin. Ang nipis na ng t-shirt niya, halos transparent na, tapos madaming butas yung pantalon. Madumi yung paa, parang ilang years nang naglalakad gamit yung tsinelas na malapit nang mapatid yung swelas. May maliit siyang balutan, niyayapos niya na tila ikamamatay niya ang pagkawala nito. Tapos kumuha siya ng baryang tigbe-bentsinko sa isang lumang di-zipper na coin purse, tapos pinaabot yung bayad niya.

Aray naman.

Aray lang.

Dito ko na tatapusin ang kwento.

No comments: