Superstar: Eto na ang pagbabalik! Ako ang magre-represent ng mga taong nagaabang sa'yo. Wag mo kaming biguin.
Superhero: TAE. Wala namang naghahanap sa akin, kelangan ba akong madaliin.
Superstar: E wala ka rin namang hinihintay eh. Kailangan mo bang tumigil?
Superhero: Ah syet.
WAPAK. BASAG. Walang masabi ang Superhero. Nilampaso ng Superstar.
Siguro mga tatlo't kalahating segundo nakatingin ang Superhero- na ngayon ay babansagan kong SH dahil mahaba masyado ang Superhero- sa IM bago nakasagot. At matapos ang paguusap ni SH at ni SS (Superstar), mga tatlumpung minuto pang pinaulit-ulit ni SH ang pagbabasa ng mga linyang nakatala sa taas.
/E wala ka rin namang hinihintay. Kailangan mo bang tumigil?/
Bakit nga ba tumigil si SH? Ano ang hinihintay niya? Sino ang hinihintay niya? Malamang ang isasagot ng inutil na SH ay, 'mga salita', kasi hindi siya pinupuntahan. Pero lumang palusot na yan eh. Alam naman niyang hindi salita ang pupunta sa kanya, kasi siya ang may kapangyarihang gumamit ng salita. Kahit gaano katiting lang yang kapangyarihan na yan, kapangyarihan pa rin yan.
Bakit nga ba tumigil si SH? Siguro kasi naadik sa pagbabasa, at masyadong nabighani sa salita ng iba. Naudlot tuloy yung mga sarili niyang salita, kasi parang... bakit pa siya magsasalita, kung ang daming tao na ang nagsasalita ng mas maigi pa sa pagsasalita niya?
Siguro din kasi, nawalan ng sapat na lakas para maglaslas at magbukas ng sugat na matagal nang nahilom. Kasi naniniwala si SH na hindi makakapagsulat kung walang dugong dumadanak. Yung dugong yun yung magbabalik ng lahat ng alaala, lahat ng pasakit, lahat ng luha, lahat ng pighati. Yung dugong yun ang itatapon sa papel. Siguro tinamad si SH na magbuklat ng sugat at maghalungkat ng mga alaala. Nawalan ng gana si SH na mag-effort, kasi mahaba pa naman ang buhay niya eh. Bakit magmamadali?
Oo nga. Tama. Hindi dapat magmadali kasi pag nagmadali ng bonggang bongga, maaaring makalimutang namnamin ang bawat sandali.
Pero hindi din ibig sabihin nun na tumigil ng todo at magtamad-tamaran. Kasi nga naman, ang sabi ng matatalino, ang pangarap, mananatiling pangarap lang hangga't hindi ka gumigising. Dati gumising na si SH kaya lang tinamad ulet kaya natulog ulit. Ngayon, nagising na naman, kasi tinabla ng Superstar- este- ni SS.
/E wala ka rin namang hinihintay. Kailangan mo bang tumigil?/
Kelangan nga ba? Siguro, kailangan, kahit sandali. Kailangan tumigil para makapag-power up. Para makapag-nilaynilay. Para makipagligawan sa mga salita. Pero hindi yung tigil ng bonggang bongga. Dun ako magaling eh. Tamad ang Superhero.
Minsan pang sinabi ni SH sa bespren niyang Bochog na nawawala ngayong gabi, 'Sa Japan, buds. Dun magsisimula ang lahat. Pag punta ko dun, malamang makakahinga na ko ng maayos. Makakapagsulat na ko.'
Epal. Bakit kailangan pang hintayin pumunta sa Japan bago magsulat? Mga pakulo ng Superhero eh, may pagkatanga din. E kahit kalokohan lang isulat, basta pag ginanahan, magsulat.
/E wala ka rin namang hinihintay. Kailangan mo bang tumigil?/
Magic! Nawala ang magic! Nawalan ng gana! Nawala ang mga salita! Wapak! na palusot yan. E sintusinto ka pala eh. Kung walang magic bakit hindi ka gumawa ng sarili mong magic? Writer's Block ba? Taeng writers' block yan, abutin daw ba ng ilang taon.
Kung may block, bakit hindi tibagin.
(Kasi mahirap.)
Walang hirap hirap!
(Tae, mahirap talaga.)
Eh diba sabi mo Superhero ka!
(Oo nga. Superhero nga. Baliw na din kasi kinakausap ang sarili.)
Eto tuloy ang SH, nagsusulat ulit, para sa kinabukasan ng bayan- este- para sa pangarap. Bahala na si Batman. Basta ang usapan, kada alas diyes ng gabi, magsusulat. Parang 3-O'Clock habit lang eh. Eps. Mga banat talaga ni B o.
Siya, siya. Ayan na. Unang banat na to. Tutuloy-tuloy na, kahit hindi man lumabas dito, basta. Nagsusulat si SH tuwing 10:00 ng gabi. Kahit isang talata, isang pangungusap, isang parirala (galalim, syet!), basta may lalabas sa bolpen ni SH.
Hoki? Huki.
Pinapasabi nga pala ng Superhero sa Superstar, salamat. :D
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment